Iginiit ng kasundaluhan na lehitimo ang kanilang isinagawnag operasyon sa bayan ng San Mariano at Tumauini, Isabela taliwas sa pahayag ng Cagayan Valley Regional Operational Command Fortunato Camus ng New People’s Army (NPA) na ito ay kasinungalingan lamang.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay Capt. Joter lobo, ang CMO Officer ng 502nd Infantry Brigade, mariin nitong sinabi na hindi gawain ng kasundaluhan na maglabas ng impormasyon na walang katotohanan.
Ayon sa kaniya, maaaring magtungo ang mga makakaliwang pangkat sa pinangyarihan ng engkwentro at makipag-ugnayan sa mga komunidad upang mapatunayang hindi gawa-gawa ang kanilang operasyon.
Aniya, napakalaking resources ang ginagamit ng gobyerno sa mga ganitong operasyon kung saan gumamit pa ng air asset upang maibaba lamang ang mga labi ng mag-amang nasawi na sina Alyas Davao at Alyas Dessel.
Sinisikap din aniya ng pamahalaan na mabigyan ng tulong ang pamilya ng mga nasasawing rebeldeng NPA at hindi katulad ng mga ito na hindi gumagawa ng hakbang upang matulungan ang kanilang mga kasamahan.
Sinabi pa ni Capt. Lobo na luma na ang ganitong propaganda ng NPA kaya naman hinikayat nito ang publiko na maging mapanuri sa mga lumalabas na impormasyon.
Magugunitang, muling sumiklab ang bakbakan sa pagitan ng militar at rebeldeng NPA sa Dy Abra, Tumauini, Isabela na nagresulta ng pagkakakubkob sa kampo ng mga rebelde at pagkakarekober ng mga armas at pampasabog.