Kasong physical injuries na inihain laban kay Tony Labrusca, ibinasura

Ibinasura ng Makati prosecutor’s office ang kasong slight physical injuries na inihain laban sa aktor na si Tony Labrusca.

Nag-ugat ang kaso mula sa mga naging kaganapan sa pagitan ni Labrusca at ng complainant na si Dennis Ibay, Jr. sa isang house party  noong January.

Ibinase ni Makati Senior Assistant City Prosecutor Edmund Seña ang kaniyang resolusyon na may petsang June 12, 2021 sa technical grounds, kung saan ay ipinunto niya na nangyari ang insidente noong January 16, 2021.

Gayunman, naisampa lang ang reklamo sa prosecutor’s office noong June 4, 2021, o matapos ang mahigit dalawang buwan mula nang mangyari ang insidente.

Dahil dito ay sinabi sa resolusyon na, “the crime is already extinguised by reason of prescription.”

Binigyang diin naman ng abogado ng aktor na si Attorney Joji Alonso na bagamat naibase sa technical grounds ang desisyon ng prosecutor, ay naninindigan sila sa kanilang pusisyon na inosente si Labrusca mula sa naturang akusasyon.

Samantala, patuloy naman hinihintay ang resolusyon ng Makati Prosecutor’s Office sa isa pang kaso laban kay Labrusca na may kinalaman sa panghahalay.

Base sa huling pahayay na nailabas sa media, ay nahaharap ang aktor sa two counts of aggravated acts of lasciviousness.