Nanguna ang kasong rape o panggagahasa sa mga naitatalang krimen sa lalawigan ng Isabela batay sa index crime na naitala simula January hanggang September ngayong taon.
Ito ang inihayag ni PCol. James Cipriano, Provincial Director ng Isabela PPO sa katatapos na Joint Meeting ng Provincial Development Council (PDC), Provincial Peace and Order Council (PPOC) at iba pang ahensya ng pamahalaang panlalawigan kahapon, October 20, 2021.
Ayon kay PCol. Cipriano, mula sa 202 index crime noong Enero hangang Setyembre ay pinakamataas ang kaso ng panggagahasa na naitala na may 58 na insidente.
Pumangalawa naman ang insidente ng pagnanakaw at Physical Injury habang pinakamababa sa naitalang kaso ang carnapping.
Samantala, nananatili namang ranked 1 ang IPPO sa buong rehiyon sa pagsasagawa ng Synchronized Anti-Criminality and Law Enforcement Operations (SACLEO).
Ito umano ay nagpapatunay lamang nang epektibong quad operation ng kanilang hanay.