Nagsagawa na rin ng hiwalay na imbestigasyon ang National Bureau of Investigation Palawan kaugnay sa pagkawala ni Jovelyn Galleno.
Ayon kay NBI Special Agent III Cedric Caabay, pormal na nilang natanggap ang complaint ng pamilya noong August 15, 2022 kaya nakipag-ugnayan na sila sa confidential agents.
Bago ang paghahain ng reklamo ng pamilya ay nagsagawa na sila ng parallel investigation.
Kahapon ay tumungo sa crime scene sa Purok Pulang Lupa ang mga NBI agent at nakakuha sila ng mga buto ng tao.
Ang mga buto na nakuha ay ipapaubaya ng Bureau sa mga paparating na confidential agent ngayong Linggo.
Nakakuha na rin sila ng testimonya sa suspek na si Leobert Dasmariñas.
Bukas rin ang NBI sa iba pang anggulo na lulutang na may kinalaman sa kaso na posibleng makapag-resolba sa kaso ng pagkawala.
Ito umano ang kanilang tututokan habang naghihintay ng DNA test result sa kalansay.
Paglilinaw ni Caabay, ang paghawak nila sa kasong ito ay hindi nangangahulugang wala nang partisipasyon ang iba pang enforcement unit.