SORSOGON CITY- May maayos na pila na sana subalit marami pa ring pumunta na walk-in sa unang Sabado ng pagbibigay ng educational assistance sa lalawigan na ginanap sa Sorsogon Provincial Gym.
Todo paliwanag sa mga nagreklamo na magulang na pawang mga walk-in, ang PIO na si Ginoong Dong Mendoza na ‘’mahigpit na ipinagbilin na hindi na tatanggap ng walk-in ang DSWD.
Marami din ang pumunta na taga Sorsogon City at mga hindi naka-schedule na lugar o bayan, kung kaya’t ipinaliwanag ng opisyal na ang naka-schedule lamang na mga bayan ang iistimahin katulad ng bayan ng Casiguran, Gubat, Sta Magdalena, at Barcelona.
Inireklamo din ng mga magulang na wala silang internet o computer at hindi sila marunong gumamit ng mga gadyets at wala silang email address.
May paliwanag naman dito ang DSWD, ayon sa ahensya, puwedeng text kung hindi smartphone ang gamit dahil sasagutin nila umano ito. Wala umanong rason na sasabihin nila na wala silang cellphone.


Maliban pa dito, ang kanilang mga anak ay marunong mag-online, magpaturo umano sila sa kanilang anak para makapag-register.
Matatandaan, sa isang pahayag ni DSWD Secretary Erwin Tulfo, sinabi nito ‘’na gusto ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na digitalize na ang gobyerno, na ang transaksyon ng mga mamamayan ay digital na, at dito sa educational pay-out mag-uumpisa ang digitalization.’’