Catanduanes— Kinumpirma ng Catanduanes Provincial Health Office, na tumaas ng halos 40% ang mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa islang lalawigan nitong nakaraang linggo.
Batay sa datus ng nasabing tanggapan, nakapagtala ng kabuuang 52 kaso ng sakit ang probinsya mula August 22 hanggang August 28. Mas mataas ng 40% kumpara sa naitalang 37 kaso nitong nakaraang dalawang linggo.
Matatandaang una nang kinumpirma ng DOH-Bicol ang pagkakatala ng Alpha at Beta variants ng COVID-19 sa lalawigan at marahil ito umano ang dahilan ng muling pagsirit ng COVID-19 cases sa isla.
Ayon pa sa ulat, nagsimula ang muling pagtaas ng kaso ng sakit sa lalawigan nitong nakaraang August 24 kung saan sampong kaso ang naitala sa loob lamang ng isang araw; walong kaso nitong August 25; 14 nitong August 26; pitong kaso nitong August 27 at 13 kaso nitong nakaraang araw ng Linggo, August 29.
Samantala, ayon naman sa COVID-19 tracker ng PHO, ang dalawang kaso ng Alpha variants ay naitala sa dalawang barangay ng Bagamanoc habang ang isa pa ay mula sa bayan ng San Miguel.
Wala namang ulat tungkol sa dalawang kaso pa ng Alpha variant sa lalawigan habang ang apat mula sa anim na Beta variant ay naitala mula sa bayan ng Virac.
Kahapon, walang naitalang bagong kaso ng COVID-19 sa Catanduanes, kaya’t nananatili sa 1,057 ang naitalang kumpirmadong kaso ng sakit sa lugar.###