Plano ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magdaos ng panibagong hearing kaugnay sa mga petisyon na magtataas sa minimum fare ng jeepneys.
Ito ay matapos hilingin ng LTFRB sa petisyuners na magpresenta ng mga karagdagang dokumento para masuportahan ang kanilang mga apela.
Ipinunto naman ni LTFRB Executive Director Maria Kristina Cassion na alam naman nilang umaaray na ang mga operators at drivers na humihingi ng P5 na dagdag sa minimum fare.
Nitong Martes ay dininig ng LTFRB ang mga petisyon na isinumite ng transport groups na 1-UTAK, ng Alliance of Concerned Transport Organizers, ng Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines, Pasang Masda, at ng Transportasyon at Operators ng Pilipinas.
Ayon kay Cassion, naging inconclusive ang hearing dahil kailangan pa ng petisyuners na magpresenta ng mga karagdagang dokumento.
Noong Martes, ay naitala ang pinakamataas na paggalaw sa presyuhan ng mga produktong petrolyo ngayong taon, kung saan ay sumipa ng P3.60 ang gasolina, P5.85 ang diesel, at ng P4.10 ang kerosene.
Nasisilbi ito bilang ika-10 sunod na linggo na nagtaas ang presyo ng mga produktong petrolyo.
