Binalaan ng Department of the Interior and Local Government ang mga lumalabag sa health protocols sa panahon ng campaign period na pwede silang maharap sa mga kaso.
Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, pwedeng makasuhan ang kahit sinong kandidato, supporters, o sympathizers.
Ipinunto naman ng kalihim na meron nang coordination efforts sa mga political parties at sa mga kandidato upang ipaalala sa mga supporters na obserbahan ang COVID-19 health protocols sa gitna ng political gatherings.
Inihayag ni Año na pasok rito ang paglabag sa Omnibus Election Code, na may parusang kulong na isa hanggang anim na taon at perpetual disqualification para sa mga kandidato.
Para naman sa mga supporters na hindi susunod, ay pwede silang managot sa ilalim ng RA 11332, at sa iba pang ordinansa ng Local Government Units.
Sa kasalukuyan ay ipinagbabawal sa aspirants na makipagkamay sa mga botante, o gumawa ng kahit anong physical contact sa panahon ng pangangampanya dahil sa pandemya.
Hinimok naman ni Año ang aspirants na sumunod sa Commission on Elections (Comelec) Resolution 10732 sa pagpapatupad ng mga restriksyon sa in-person campaigning.
