CAMARINES NORTE- Pinaigting pang lalo ng pamahalaan ang kampanya kontra terorismo at kriminalidad.
Noong nakaraang linggo ay nagsagawa ng information campaign sa mga terminal at umakyat din sa mga pampasaherong bus ang PNP Highway Patrol Group sa lalawigan para sa kampanya kontra violence extremism alinsunod sa Executive Order No 70 o ang National Taskforce to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Sa ilalim ng EO No 70 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2018, layon nito ang pagbuo ng national peace framework at pagtatag ng “whole-of-nation approach” upang makamit ang “inclusive and sustainable peace” sa bansa na naglalayon na lutasin ang mga ugat ng nangyayaring kaguluhan.
Maliban sa kampanya patungkol sa NTF-ELCAC ay tuloy- tuloy din ang HPG s Anti Criminality Campaign para ligtas ang paglalakbay.
Mahigpit ding ipinaalala sa mga driver, konduktor at pasahero ang pagsunod sa minimum health standard kontra COVID- 19.
Pero hindi lang sa kampanya kontra terorismo at kriminalidad nakatutok ang Provincial Highway Patrol Team.
Noong Biyernes ng umaga ay nagsagawa ang HPG ng feeding program kung saan nasa mahigit kumulang 100 driver, pasahero at motorista ang nabigyan ng macaroni soup.
Bahagi lang ito ng nationwide na programa ng PNP na magbigay ng relief assistance sa mga komunidad na lubhang apektado ng pandemya.
