Kamara – wala raw inisyung ‘8’ protocol plate

Pinuri ng mga leader sa Kamara ang inilabas na kautusan ni Pangulong Bongbong Marcos na nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na gumamit ng wangwang at blinker sa sasakyan.

Ayon kay House Deputy Majority Leader at PBA Party-list Representative Migs Nograles, magandang inisyatiba ang Administrative Order Number 18 na nakasasakop sa lahat ng halal at itinalagang opisyal maliban sa “authorized individuals” dahil hindi lingid sa kaalaman na may mga umaabuso sa paggamit ng wangwang at blinker.

Kumbinsido rin si AKO BICOL Party-list Representative Jil Bongalon na ipinapakita lamang ni Pangulong Marcos ang pagiging mabuting halimbawa sa mga opisyal at kawani ng pamahalaan kasabay ng pagkilala na mayroong umiiral na “privileged mentality”.

Read More:  DepEd completes nationwide orientation on reforms for SY 2026–2027

Idinagdag pa ni Taguig Representative Pammy Zamora na nakakahiyang isipin na matagal nang naglipana sa kalsada ang mga umaabuso sa wangwang kaya ang inilabas na AO ay patunay na walang sinuman ang nakaaangat sa batas.

Binigyang-diin naman ni Davao Oriental Congressman Cheeno Almario na nagsisilbing “immersion” para sa mga kongresista ang pagbiyahe sa mga pangunahing lansangan gaya ng EDSA lalo na sa oras na mabigat ang trapiko dahil nalalaman nila kung ano ang dapat ayusin sa sistema.

Read More:  Senate minority walks out over proposed rules change

Samantala, sa isang hiwalay na statement ay muling ipinaalala ni House Secretary-General Reginald Velasco na walang awtorisasyon ang paggamit ng official “8” protocol plates para sa mga miyembro ng 19th Congress.

Sinabi ni Velasco na hindi lehitimo ang mga plaka dahil may kasunduan ang Kamara at MMDA na huhulihin ang mga driver na gumagamit nito at kukumpiskahin ang “8” plate.

Hindi rin umano kukunsintihin ang ilegal na paggamit ng special plates na nagsisilbing banta sa kaligtasan ng publiko at sinisira ang integridad ng vehicle registration system.