Matapos ang makasaysayang ipinakita ng Pilipinas Tokyo Olympics, tiniyak ngayon ng mga mambabatas na tataasan ang budget para sa Sports sa susunod na taon.
Ayon kay House ways and means committee chairman Albay Rep. Joey Salceda kailangan umanong mag-invest sa mga atleta para manalo ang mga ito sa mga sasalihang paligsahan.

Mas kailangan umano ng tulong ng mga Pinoy athletes habang nasa training at hindi kapag nanalo na.
Kinilala din ni Salceda ang nagawa ng Duterte Administration matapos nitong buhusan ng pondo ang Philippine Olympic Committee (POC) na naging daan para maiuwi ng bansa ang multiple medal sa Olympics kabilang na ang kauna-unahang gold ng Pilipinas.
Tinawag pa ng mambabatas na ‘game changer’ ang ginawa ng Duterte admin dahil sa P944-million budget na ibinigay nito sa POC na apat na beses na mas mataas kumpara sa mga nakaraang Olympic games.
Magugunitang nauna nang nagpaabot ng pagbati sa mga Pinoy Athletes na nanalo sa olympics ang ilang House officials sa pangunguna ni Speaker Lord Allan Velasco, Majority Leader Martin Romualdez at Deputy Speakers Mikee Romero at Rufus Rodriguez.