Sinimulan na ng Kamara ang imbestigasyon nito kaugnay sa kontrobersya sa pag-iisyu ng international certificate of vaccination (ICV) sa mga Pilipino na bumabyahe at nagtatrabaho sa abroad.
Sa hearing ng committee on overseas workers affairs, ay kinwestyon ng mga mambabatas ang koleksyon na P370 ng Bureau of Quarantine (BOQ) para sa tinawag nito bilang “yellow cards.”
Kasama na rito ang P300 na singil para sa yellow card at P70 na convenience fee na ibinabayad sa Fintech firm na PisoPay.

Binigyang diin ni AMMBIS-OWA party-list Representative Sharon Garin, economic affairs committee chair, na dapat ay maging libre ang ICV base sa Section 12 ng Republic Act 11525, o kilala bilang COVID-19 Vaccination Program of 2021.
Naniniwala ang mga kongresista na ang karagdagang gastos ay nagsisilbi lamang bilang “financial burden” sa mga OFWs na gusto lamang makauwi mula sa kanilang trabaho abroad.
Bukod sa mga singil para sa vaccination cards ay ginisa rin ng mga mambabatas ang mga opisyal ng BOQ dahil sa delayed na paglalabas ng ICVs at sa pag-aaward ng kontrata sa PisoPay sa kabila ng kwestyonableng impormasyon umano na meron ito at paid-up capital.