Kamara, magkakasa ng pagdinig ukol sa malawakang pagbaha na dulot ng bagyong Carina at habagat

Maglulunsad ng imbestigasyon ang Kamara hinggil sa malawakang pagbaha na nagpalubog sa maraming bahagi ng Metro Manila na dulot ng hanging habagat na pinaigting ng bagyong Carina.

Ayon kay House Committee on Metro Manila Development Chairman at Manila Representative Rolan Valeriano, dapat magpaliwanag ang Department of Public Works and Highways at MMDA kung bakit nangyari ang pagbaha sa kabila ng mga nakalatag na programa.

Ipinunto ni Valeriano na dapat ay nakapaghanda at natuto na mula sa epekto ng bagyong Ondoy noong 2009 at Yolanda noong 2013.

Inaasahan nito na aktibong lalahok sa pagdinig na itinakda sa July 31 ang mga kongresistang miyembro ng komite na sinalanta ng bagyo ang kinakatawang lugar.

Dagdag pa ng mambabatas, kailangang marinig ang long-term plans ng mga ahensya ng gobyerno upang maiwasang paulit-ulit na lang ang kalamidad.

Maging ang DSWD ay inaasahang magbibigay ng update hinggil sa relief operations.