NAGA CITY – Binigyang diin ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) sa isinagawang Virtual Meeting ng Cluster 2 Focal Persons/ Media Vanguards kasama ang National Head Quarters (NHQ) at Local PNP Press Corps na kailangang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga Pilipinong mamamayahag lalong-lalo na sa panahon ng halalan upang maiwasan ang media killings hindi lang sa rehiyon ng Bicol maging sa iba pang bahagi ng bansa.
Sa aktibidad kung saan nakilahok ang PNP Naga at Camarines Sur sinabi ni Executive Director ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS), Undersecretary Joel Egco na kailangang maprotektahan ang mga media workers lalo na tumataas ang kaso o bilang ng mga mamamahayag na namamatay sa panahon ng halalan.
Mababatid na 32 mga mamamahayag ang nasawi sa Ampatuan, Maguindanao Massacre noong 2009, na may kinalaman sa eleksyon.
Mahalaga kasi na mapakinggan ang boses ng mga mamamahayag na may malaking papel at tungkulin ayon naman kay Department of Interior and Local Government o DILG, Undersecretary Jonathan Malaya.
Kaya naman katuwang ang DILG at PNP, isa ito sa mga programa at hakbang na dapat paglaanan ng pansin at panahon.
Panawagan ni PNP PIO, Chief BGen. Roderick Augustus Alba na kinakailangang accredited ng isang media personality upang malaman rin nila kung sino ang kanilang poprotektahan.