Kakai, pinagbawalan ng abogado na pag-usapan si Mario Maurer

Iniwasan ng aktres at komedyanteng si Kakai Bautista na mapag-usapan ang aktor na si Mario Maurer nang matanong ito tungkol dito sa isang episode ng “Fast talk with Boy Abunda”.

Nang matanong ito ni Abunda ay tumayo ito at pabirong naglakad palayo ng studio.

Matapos ito ay nilinaw ni Kakai na hindi niya na nais pang pag-usapan ang nakaraan lalo na’t pinayuhan din siya ng kanyang abogado na huwag nang banggitin ang aktor.

“Let’s not talk about the past, Tito Boy. My lawyer doesn’t allow me to talk about him,” ani ni Kakai.

Matatandaan na naging magkatrabaho si Kakai at Maurer noong 2012 sa pelikulang ‘Suddenly It’s Magic’ at naging usap-usapan ang pagiging malapit ng dalawa sa isa’t isa.

Inihayag naman ng aktres sa taong 2019 na biglang huminto ang komunikasyon nila ng aktor.

Taong 2021 naman nang balaan si Kakai ng kampo ni Maurer na tigilan ng aktres ang pagbanggit sa aktor nang walang pahintulot nito, na sinagot naman ni Kakai na ang mga alegasyong binato sa kanya ng kampo ni Maurer ay maituturing na libel. // AC