CAMARINES NORTE- Inalala ng Daeteñong pari na siya ngayong Master of the Order of Preachers o Head ng Dominican Order sa buong mundo na si Father Gerard Francisco Timoner III, ang kabutihan at dedikasyon sa paglilingkod sa bayan ng Diyos ng yumaong Bishop Emeritus Benjamin Almoneda.
Sa kaniyang homily para sa unang misa ng pag alalaala kay Bishop Almoneda kaninang umaga sa Holy Trinity Cathedral, inilarawan ni Fr. Timoner ang yumaong Obispo bilang isang nakapakabait at malumanay na tao.
Aniya sa sa loob ng 17 taon bilang pastol ng Diocese of Daet ay maraming henerasyon na ang napaglingkuran ng yumaong Obispo.
Ibinahagi rin ni Timoner ang kahulugan ng suot na sutana ng mga Obispo na mayroong 33 butones.
Sinisimbulo umano nito ang 33 taong pamumuhay dito sa mundo ni Hesukristo.
Pumanaw si Almoneda noong Biyernes, Hunyo 6 sa mismong araw ng kaniyang ika- 33 taong anibersaryo ng ordinasyon bilang Obispo.
Hinimok naman ng Head ng Dominican Order ang mga mananampalataya na tulad ni Bishop Ben ay maibahagi sa iba ang liwanag na nagmumula kay Hesus.
Dumating sa katedral ng Daet ang labi ni Bishop Almoneda kaninang alas 2 ng madaling araw mula sa Redemptorist Mater Archdiocesan Seminary sa Parañaque.
Nagsimula ang public viewing kaninang alas 6 ng umaga na tatagal hanggang bukas, alas 6 ng gabi.
Magkakaroon muna ng farewell mass na pangungunahan ni Daet Bishop Rex Andrew Alarcon bago dalhin sa Angat, Bulacan ang labi ng Bishop Emeritus kung saan ito ililibing.
