SORSOGON CITY – Naipasa ang Resolution mula sa Sangguniang Panlalawigan ng Sorsogon kung saan pinapalawig nito ang traditional jeepney phase out.
Base sa resolusyon, pinapayagan ang mga jeepney operators na magpatuloy sa pamamasada hanggang a-30 ng Hunyo ng taong kasalukuyan.
Kaugnay nito, muling hinimok ni Sorsogon Gov. Francis “Chiz” Escudero ang Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) kamakailan na pag-isipan ang pagkakansela sa prankisa ng mga lumang jeep.
Ani ng gobernador, magreresulta lamang ito sa kawalan ng trabaho at kakulangan sa pampublikong sasakyan sa maraming rehiyon. Binigyang diin rin nya ang taas ng halaga para gawing makabago ang mga sasakyan.
Naratipikahan bilang isang ganap na batas ang programa noon pang 2017, subalit nangangailangan ito ng malawakang modernisasyon at pagbabawal nang ipa-rehistro ang mga jeep na tumatakbo na ng 15 taon pataas.
Ayon naman sa Department of Transportation naglalaro sa P1.6M hanggang P2.4M, ang halaga ng bawat modernized vehicle, dahilan para mapilitang maglabas ng subsidiya ang pamahalaan sa jeepney operators ng aabot sa P80K hanggang lagpas P100K per unit.
