Animoy nahugutan ng tinik sa dibdid ang isang ama dahilan sa pag-aalala, takot para sa kaniyang mga anak matapos na mabatid na pumasa ang ginagamit na purifier nito sa inuming tubig laban sa kemikal na arsenic sa isang subdivision sa bahagi ng Alitagtag, Batangas.
Lumapit sa Brigada News FM si Kuya Rey Adan, residente ng isang subdivision at may-ari ng isang house hold water purifier na binili ng kanyang misis at dumating sa kanilang bahay noong Disyembre.
Ayon sa kwento ni Kuya Rey, napanuod lamang nito ang balita na isa ang kanyang bayan na siyam na mga lugar na kontaminado ng arsenic.
Sa puntong ito ay lumapit ang ating himpilan sa pamunuan ni Alitagtag Mayor Edilberto Ponggos at suntok sa buwan na hiniling na kung maari na idaan sa test sa pamamagitan ng arsenator ang tubig na dumaan sa purifier ni Kuya Rey.
Sa utos ni Mayor Ponggos, sinadya ni Bb Remalyn Anne Panoga, nurse at nagsisilbi ring sanitary inspector ng pamahalaang lokal kung saan nagsagawa ito ng test sa tubig na dumaan sa purifier.
Nabatid din kay Panoga na ang pumping station sa subdivision na tinitirhan ni Kuya Rey ay positibo sa arsenic. Sa nauna ng test nakakuha ang pumping station ng resultang 18ppb na mataas sa 10ppb na pamantayan upang tuwirang magamit ang tubig mula sa gripo.
Samantala, sa ginawang test sa tubig na dumaan naman sa purifier, nagresulta ito ng 9ppb na ayon kay Panoga ay acceptable at maaring gamitin at inumin ng pamilya ni Kuya Rey.
Naibsan at nagpasalamat si Kuya Rey sa Brigada News FM, lalo na sa lokal na pamahalaan sa pagtulong sa kanila na maaring may solusyon pa sa bahay-bahay ang usapin sa kemikal na arsenic.
Samantala, si Kuye Rey ay padre de pamilya na nag-aalaga ng kanyang dalawang anak habang ang kanyang misis ay nagtatrabaho sa ibang bansa.(JAMEE DE CASTRO)
#