Nanawagan si Albay 1st District Representative Edcel Lagman kay President elect Bongbong Marcos Jr. na palayain mula sa kulungan si outgoing Senator Leila De Lima.
Ayon kay Lagman, may kakayahan ang Pangulo ng bansa na diktahan o atasan ang korte na ipatigil ang prosecution laban kay Senadora De Lima lalo na kung wala namang sapat na ebidensya ukol sa mga paratang sa kanya.
Ipinunto ng kongresista na napawalang sala na ang Senador sa isa mula sa tatlong drug cases nito dahil sa kawalan ng matibay na ebidensya.
Binigyang diin din ni Lagman na nag-recant o kumambyo na ang dalawa sa itinuturing na ‘major witness’ sa kaso nito.
Naniniwala ang mambabatas na tama lamang ang gagawin ni President elect Marcos kung papayagan nito na makalabas na ng tuluyan si De Lima sa kulungan matapos ang limang taon.
Mababatid na hindi natuwa si Senadora De Lima sa desisyon ni Justice Secretary Menardo Guevarra na sundin ang desisyon ng panel prosecutor na ituloy pa rin ang prosecution sa natitira pa niyang dalawang drug cases, sa kabila ng sunod-sunod na recantation.(CLAY MARQUEZ)
#