CAMARINES NORTE- Balik trabaho na ang isangdaang porsiento ng mga kawani ng Lokal na Pamahalaang Bayan ng Basud, Camarines Norte simula ngayong araw, February 16, 2022.
Ito ay matapos ibalik ng Inter Agency Task Force (IATF) ang lalawigan ng Camarines Norte sa mas mababang Alert Level 2 hanggang sa katapusan nitong buwan.
Ito ang dahilan kung bakit otomatiko na ring lifted ang ipinatutupad na alternative work arrangement kung saan 50 % ay nasa opisina at 50 % naman ang work from home sa mga empleado ng naturang LGU.
Ayon kay Mayor Adrian Davoco ipinaalam agad ang bagong kautusang ito sa pamamagitan ng Office Order at group chats ng mga empleado.
Matatandaan na muling nagpatupad ng work from home arrangement ang LGU noong Enero 25 dahil sa paglobo ng mga naitatalang kaso ng COVID- 19 sa naturang bayan.
Malinaw naman umano sa mga empleado na ang work from home arrangement ay habang nasa ilalim ng Alert Level 3 ang probinsiya na renewable kada ika 16 at katapusan ng buwan.
Ayon sa Alkalde sa ngayon ay mayroon na lang na isang aktibong kaso ng COVID- 19 sa naturang bayan na nagpapagaling sa bahay.
Umabot na sa 330 ang kabuuang kaso ng sakit sa naturang bayan kung saan ang 96 dito ay naitala sa pagpasok lang ng 2022.
