LEGAZPI CITY- Tinulungan ng Ligao City Police Station (CPS) na makabalik ng Samar si Francisco Feltes Miranda, isang typhoon Yolanda survivor at ulila na.
Base sa kwento ng Ligao PNP, inihatid sa kanilang tanggapan si Miranda ng kapitan ng Brgy. Tuburan ng nasabing lungsod, na tatlong araw na pa lang nananatili sa isang chapel ng nabanggit na barangay.
At nang nagkaroon nga ng dayalogo sa pagitan ng mga kapulisan at ni Miranda, napag-alamang tatlong araw na rin itong hindi kumakain, kung kaya’t hindi nag-atubiling hainan ito ng pagkain ng mga kapulisan at pinagtimpla pa nila ito ng kape.
Dagdag pa rito, nadiskubre rin ng mga kapulisan na ang nasabing lalaki ay tubong Samar na nagnanais nang makabalik sa kanyang tahanan.
Upang matulungan si Miranda na maka-uwi, nag ambag-ambag ng pera mula sa sarili nilang bulsa ang mga kapulisan ng nabanggit na himpilan para mabigyan ito ng pamasahe pabalik ng Samar.