Batangas City – Puspusan na ang ginagawang pag-eensayo ng isang atleta na mula sa San Jose, Batangas para sa nalalapit niyang laban sa gaganaping Asean University Game sa Indonesia.
Siya ay si David Paul Matibag, 21 anyos at kasalukuyang nag-aaral sa San Beda University sa kursong Bachelor of Science and Sports Management.
Ayon sa kaniya, pitumpong porsyento na siyang kundisyon ngunit kinakabahan dahil hindi niya kilala ang kaniyang makakalaban sa kompetisyon.
Dagdag pa niya, ito ang unang beses sa lalaban siya sa ibang bansa at malaking suporta naman ang natatanggap niya mula sa kanyang pamilya.
Aniya, naging pagsubok sa kaniya ang pag eensayo ng malayo sa kanyang pamilya, paiba- iba ng panahon at budget para sa spike shoes at sponsor upang maituloy niya ang pagpunta sa ibang bansa.
Mensahe naman ni Paul sa mga kabataan na gustong pumasok sa sports, na maging disiplinado sa sarili, magtiwala sa Diyos at iwasan ang pagbibisyo.
Nakatakdang umalis ng bansa si David sa darating na June 30, 2024, upang makilahok sa Asean University Game sa Indonesia.