Batangas City- Hindi pa matukoy ng Southern Luzon Command ng Armed Forces of the Philippines o AFP kung alin o sinong grupo ng mga umano’y New Peoples Army o NPA ang naka-engkwentro kamakailan ng tropa ng militar sa bahagi ng Barangay Bolbok, Tuy, Batangas.
Sa panayam ng Brigada Batangas kay Col. Dennis Caña, ang tagapagsalita ng Southern Luzon Command, sinabi nito na posibleng ang grupo na nakasagupa ng militar ay dati na ring grupo na naglipana sa bahagi naman ng bayan ng Balayan.
Hindi pa rin masabi ng AFP kung konektado ang grupong ito kay ‘Ka Arya’ ang umano’y lider ng CPP-NPA sa Southern Luzon na kamakailang nasawi dahil sa engkwentro.
Kaugnay nito, nilinaw din ng Southern Luzon Command na dalawa lamang na miyembro ng NPA ang nasawi at ang isang napaulat ay patuloy pa nilang beneberipika.
Samantala, sa panayam naman kay Police Major Roy Cuevas ng Tuy Municipal Police Station, cleared na sa ngayon ang lugar kung saan nagkaroon ng bakbakan.
Nabatid na umabot sa mahigit isangdaang indibidwal ang naapektuhan ng engkwentro na agad namang inilikas ng mga awtoridad.
Sa huli, nanawagan si Col. Caña sa mga miyembro ng NPA na naglipana pa rin sa lalawigan ng Batangas na magbalik loob na upang mas maging maayos ang kanilang buhay.