Iginagalang ni House Committee on Human Rights Chairman at Manila 6th District Representative Bienvenido Abante Jr. ang paghahain ng kampo ni Cassandra Li Ong ng Petition for Certiorari sa Korte Suprema.
Ito’y matapos dumulog sa Supreme Court ang abogado ni Ong na si Atty. Ferdinand Topacio upang hilingin na ipatigil ang pagtatanong ng Senado at Kamara sa kanyang kliyente sa pamamagitan ng pag-invoke sa karapatang manahimik at right to against self-incrimination.
Ayon kay Abante, karapatan ito ni Ong sa ilalim ng batas ngunit maaari siyang pumili sa pagitan ng pagtulong sa mga kongresista o pagtakpan ang mga may sala.
Nakalulungkot aniya na mas pinili ni Ong na magtago sa pananahimik sa halip na suportahan ang Kongreso sa pagsisikap nito na maisiwalat ang kasamaang idinulot ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.
Dagdag pa ni Abante, sa pagnanais ng kinatawan ng Lucky South 99 na manahimik ay nagiging kasabwat na rin ito ng mga lumabag sa batas at tiyak na ganito na ang magiging turing sa kanya.