CAMARINES NORTE- Inanunsiyo ng Commission on Elections na hindi pa magagamit sa ngayon ang iRehistro at Fumer para sa ongoing resumption ng system of continuing voters registration bilang paghahanda sa December 5, 2022 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Batay ito sa ipinalabas na notice ni Election Officer III Annelyn Abanes, miyembro ng Comelec Speaker’s Bureau sa lalawigan ng Camarines Norte.
Alinsunod umano ito sa Memorandum Advisory na may petsang July 5, 2022 mula sa Election and Barangay Affairs at Information Technology Department ng Comelec Central Office.
Ang iRehistro ay ang online accomplishment of forms para sa voters registration.
Patuloy namang hinihikayat ni Abanes ang mga hindi pa nakakapagparehistro na makipag ugnayan sa tanggapan ng Comelec.
Sa kaniya umanong nasasakupan sa bayan ng Basud ay sila na mismo ang nagtutungo sa mga barangay para magsagawa ng satellite registration.
Ito ay upang ilapit sa mga tao ang serbisyo ng komisyon nang sa ganun ay hindi na kinakailangan pang magtungo sa munisipyo ang magpaparehistro at magastusan pa.
Sa bayan ng Basud ay tuwing Lunes lamang ang pagpaparehistro sa mismong opisina ng Comelec at sa huling dalawang araw ng voters registration dahil madalas ay sa barangay ito ginagawa.
