CAMARINES NORTE- Inihain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na naglalayong magkaroon ng fix na sweldo at benepisyo ang mga opisyal ng Barangay.
Sa ilalim ng House Bill No 1114 na inihain ni Camarines Norte First District Rep. Josefina “Josie” Tallado ilang araw bago magsimula ang sesyon ng 19th Congress magiging katumbas na ng isang miyembro ng Sangguniang Bayan ang o Panglungsod ang sweldo ng isang Punong Barangay sakaling maaprobahan ito bilang ganap na batas.
Ang magiging sweldo naman ng mga Kagawad ng Barangay ay katumbas ng 3 salary grades na mas mababa sa Punong Barangay.
Habang ang Chairman ng Sangguniang Kabataan, Barangay Secretary at Treasurer ay katumbas ng 5 salary grades na mas mababa sa Punong Barangay.
Magkakaroon din ang mga ito ng iba pang benepisyo tulad ng health coverage, Government Insurance System (GSIS), Philhealth at Pag ibig.
Sakaling maaprobahan bilang ganap na batas, sa loob ng 60 araw ay aatasan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pakikipag ugnayan sa Department of Budget and Management na bumalangkas ng Implementing Rules and Regulations.
Sa Explanatory Note ng naturang panukalang batas, binigyang diin ni Tallado ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga opisyal ng Barangay lalo na noong kasagsagan ng pandemya.
Ang mga ito aniya ang nagsilbing “forefront” sa laban kontra COVID- 19.
Pero sa kabila raw ng mahalagang papel na ginagampanan ng mga opisyal ng Barangay ay hindi umano sila nabibigyan ng tamang kompensasyon.
Kinikilala rin ng panukalang batas ang mga opisyal ng Barangay bilang regular na kawani ng gobyerno na may karapatang tumanggap ng mga benepisyo tulad ng una.
Hindi ito ang unang pagkakataon na may inihaing kaparehong panukalang batas sa Kamara.
Noong 2019 ay isinulong ni Kabayan Rep. Ron Salo ang pagkakaloob ng fixed salary at benefits sa mga Barangay Chairman, mga Kagawad, Barangay Secretaries at Barangay Treasurers.
Sa House Bill 6033 na inihain noon ng mambabatas, itataas sa Salary Grade 15 ang sweldo ng mga Barangay Captain at Salary Grade 12 naman sa mga Kagawad.
