Nais ng ilang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na imbestigahan ang umano’y ‘internet troll farms’ na posibleng gamitin para sa 2022 National Election.
Sa House Resolution No. 1900, na inihain nina Bayan Muna Reps. Carlos Zarate, Ferdinand Gaite, at Eufemia Cullamat binanggit ng mga ito ang unang pahayag ni Senator Panfilo Lacson na may isang undersecretary sa hindi pinangalanang departmento ang balak magtayo ng dalawang ‘troll farms’ sa bawat probinsiya.
Layon umano ng mga trolls na ito na i-discredit ang mga kritiko ng administrasyon at mga posibleng makakalaban nito sa 2022 Elections.
Ang naturang imbestigasyon ay hiniling sa House Committee on Public Information at ito ay , ‘in aid of legislation’.
Binigyan-diin ng Bayan Muna congressmen na ang ganitong uri nga proyekto mula sa gobyerno ay hindi katanggap-tangap at iligal lalo’t kung ang ginagamit dito na pondo ay mula sa kaban ng bayan.
Dagdag pa ng mga mambabatas na ang mga ganitong uri ng Government officials ay kailangan makilala, pangalanan at maisailalim sa patas na imbestigasyon.
