Nanawagan ang isang OFW advocate non goverment organization na magkasundo na ang Department of Labor and Employment, pati na ang bagong tatag na Department of Migrant Workers.
Ito ay matapos ang magkaibang pahayag hinggil sa deployment ban ng mga Pilipino sa Saudi.
Una na kasing nagdeklara si DMW Sec. Abdullah Mama-o na lifted na ang ban – bagay na kinontra naman ni Labor Secretary Silvestre Bello dahil sa mga ‘di pa napaplantsang labor issues sa Saudi, at ang unpaid salaries ng ating mga kababayan na nagkakahalaga ng P4.6Billion.
Ayon kay dating labor undersecretary Susan ‘Toots’ Ople ng Blas Ople Policy Center, isang NGO na umaasiste’t kumakalinga sa welfare ng mga OFWs, sana raw ay resolbahin na ito ng dalawang Kalihim dahil litong-lito na ang mga OFWs at iba pang stakeholders.
Mas mahirap daw kasi kung umabot pa sa international level ang gusot na ito.

Sinegundahan din ito ni Senate Minority Leader Frank Drilon at sinabing dapat nang ma-resolba ito ng gobyerno.
Apela ni Drilon kay Pangulong Rodrigo Duterte, plantsahin na ang kalituhang dulot ng taliwas na direktiba ng DoLE at DMW dahil higit umanong naaapektuhan dito ay ang sitwasyon ng ating mga kababayan.
Sa huli, pinanigan ni Drilon si Secretary Bello sapagkat nasa DoLE pa rin daw ang pinal na hurisdiksyon lalo na’t hindi pa ganap na nabubuo ang DMW.
#