Pagpapakita ng ‘solidong alyansa’ ng Pilipinas at US ang inaasahang pulong sa pagitan nina AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. at US Joint Chiefs of Staff chair Gen. Charles Brown Jr.
Kinumpirma ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na magkakaroon ng “Call” si Gen. Brown kay Gen. Brawner ngayong araw.
Ngunit hindi idinetalye ni Padilla ang mga posibleng mapag-usapan ng dalawang opisyal.
Pero aasahan aniyang maipagpapatuloy ang mga aktibidad sa pagitan ng 2 bansa katulad ng Balikatan na inaasahang mas malaki sa susunod na taon.
Sa katunayan ay isinagawa na agad ang planning process para rito matapos ang Balikatan ngayong taon.
Inaasahan pa rin ng AFP na lalahukan ito ng mga active members ng mga kaalyadong bansa ng Pilipinas.