Impounding area ng MTBP – napuno sa unang araw ng operation vs e-bikes

Ipwinesto muna sa labas ng Manila Traffic and Parking Bureau Central Market Impounding Area ang mga bagong nahuling e-trike, e-bike, kolong-kolong, pedicab at tricycle dahil bukod sa siksikan, hindi na madaanan ang ilang bahagi ng impounding area.

Karamihan nang nasa loob ay mga motorsiklong na-clamp noong mga nakaraang araw dahil ilegal na pumarada sa mga lugar sa Manila.

Ayon sa MTPB, patuloy ang kanilang operasyon ngayon sa national road at iba pang pangunahing kalsada para manghuli ng mga lalabag na mga driver.

Sa Recto Avenue, hindi bababa sa dalampu ang nahuli ngayong umaga, bukod sa P2500 na multa, awtomatikong impound ito dahil walang naipakitang lisensya.

Katwiran ng ibang nahuli, nakasanayan na nilang dumaan sa lugar at hindi nila alam na bawal na ang mga e-vehicle sa national roads.

Mula kaninang umaga hanggang alas dose ng tanghali, umabot sa walumput pitong indibidwal ang natiketan habang labinsiyam ang na-impound na unit.

Sa breakdown ng bilang ng nahuli, limampu ang tricycle, apat ang pedicab, habang labingwalo ang e-trike at labinglima ang e-bike.

Ang multa sa paglabag ay P2,500 at kung hindi rehistrado at walang maipakitang lisensya ang nagmamaneho nito, ay kinukumpiska at ini-impound ang unit.

Ayon kay MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, hindi bago ang regulasyon dahil may nauna nang inilabas na memorandum ang DILG na nagbabawal sa mga ganitong uri ng mga sasakyan sa mga pangunahing lansangan.

Dagdag pa niya, ang pangunahing layunin ng regulasyon ay para sa kaligtasan ng publiko, maiwasan ang mga aksidente, at maiwasan ang bigat sa daloy ng trapiko.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *