BNFM BICOL– Umarangkada na kahapon araw ng Lunes, ang implementasyon ng “limited face to face classes” sa Taytay Elementary School sa bayan ng Virac, Catanduanes.
Dinaluhan ito ng mga batang estudyante mula Kindergarten hanggang Grade 3 na inasistensyahan ng kanilang mga guro, magulang at guardians. Kasama rin sa mga nangasiwa ang ilang barangay officials ng Brgy. Rawis na siyang nakakasakop sa nasabing paaralan.
Ayon kay DepEd- Catanduanes Schools Division Superintendent – Dr. Susan Collano, nasa 90 mga paaralan sa islang lalawigan ang pinahihintulutan nang magsagawa ng limited face to face classes ngunit hindi pa umano handa ang lahat na tumugon para dito.
Isinagawa naman ng mga kawani ng DepEd ang maghapong monitoring upang tukuyin ang mga paaralan sa Catanduanes na nagsimula na ng implementasyon sa nasabing learning modality.
Kaugnay nito, ipinaalala naman ng mga guro sa mga bata at magulang na sundin ang mga umiiral na health protocols para sa proteksyon ng kalahatan.###