CAMARINES NORTE – Tiniyak ng Lokal na Pamahalaang Bayan ng Mercedes, Camarines Norte na mas paiigtingin pa ang pagpapatupad ng fishery law sa karagatang sakop ng naturang bayan ngayong 2024.
Sa isang pahayag ipinaalala ng Municipal Information Office, na mahigpit na ipinagbabawal ang trawl fishing at iba pang active gears sa loob ng 15 kilometer municipal water.
Bawal din umano ang paggamit ng lason at compressor.
Paliwanag ng LGU na ito ay alinsunod sa Philippine Fisheries code at sa ilalim ng Municipal Ordiance No 65- 95 at iba pang lokal na ordinansa.
Nagbabala ang LGU na kukumpiskahin at pagmumultahin ang sinumang mahuhuling lumabag.
Noong Oktubre, inihayag ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na pababa nang pababa ang produksyon ng isda sa buong Pilipinas.
Sinabi noon ni Provincial Fishery Officer Rolando Tiam na bumaba ng halos 30 porsiento ang mga nahuhuling isda sa Camarines Norte.
Inihalimbawa nito ang San Miguel Bay na pinagkukunan ng malaking bahagdan ng suplay ng isda sa lalawigan ay hindi na katulad ng dati na sagana pa ang mga nahuhuling isda.
Ang San Miguel Bay ay isang malaking bahagi ng karagatan sa Bicol Peninsula na sumasaklaw sa Camarines Norte at Camarines Sur.
