Pinag-aaralan ng binuong “Quad Committee” sa Kamara na idaos ang imbestigasyon hinggil sa madugong war on drugs campaign ng administrasyong Duterte, extrajudicial killings at Philippine Offshore Gaming Operators o POGO sa labas ng Batasan Pambansa.
Ayon kay Santa Rosa City Representative Dan Fernandez na siyang chairman ng House Committee on Public Order and Safety, pinag-uusapan nila na sa labas ng Kongreso magsagawa ng pagdinig upang hindi makaabala sa budget hearings.
Posible kasi aniyang mawalan ng pupuwestuhan ang kanilang hearing dahil kailangang bilisan ang budget briefing para sa 2025 National Expenditure Program.
Sa ngayon ay dumadaan sa consolidation ng committee secretaries ang lahat ng mga isyung tinalakay sa Dangerous Drugs, Human Rights, Public Accounts at Public Order and Safety Panels.
Naniniwala rin si Fernandez na “interconnected” o magkakaugnay ang lahat ng isyu kaya mapapabilis ang imbestigasyon at paglikha ng mga panukalang batas na magmumula sa rekomendasyon ng mga komite.
Ipinaliwanag naman ni Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers na hindi na bago ang Quad Committee dahil nakabase ito sa Rules of Procedure Governing Inquiries in Aid of Legislation ng Kamara.
Sa ganitong paraan ay hindi na umano masasayang ang oras ng resource persons na nagpapalipat-lipat ng komite lalo’t malinaw na may “commonalities” ang mga hinihimay na isyu.