Bumisita kahapon kay Pangulong Bongbong Marcos ang mga myembro ng US Congressional Delegation o CODEL.
Kaugnay nito, nagpasalamat ang Pangulo sa patuloy na suporta ng Amerika sa alyansa ng dalawang bansa.
Pinuri naman ni Representative Michael McCaul, ang Chairman ng House Committee on Foreign Affairs at Chairman Emeritus ng House Committee on Homeland Security ang Pangulo dahil sa matapang nitong pahayag sa nakalipas na Shangri-la dialogue.
Ipinunto rin ng US lawmaker na titiyakin nila na kasama ang Pilipinas sa Foreign Military Financing.
Una nang nabanggit sa 2+2 ministerial dialogue kamakailan nina US Secretary of State Anthony Blinken at US Secretary of Defense Lloyd Austin na ipinanukala nilang maglaan ng USD500 million para sa Pilipinas mula sa US$2.5 bilyong supplemental budget ng Foreign Military Financing para sa Indo-Pacific.
Interesado ang CODEL na marinig ang pananaw at concerns ng Pilipinas tungkol sa China at kung ano ang maaaring gawin ng Estados Unidos upang suportahan ang paninindigan ng Pilipinas sa soberanya, karapatan, at hurisdiksyon nito sa West Philippine Sea.