Patay ang isang lalaki habang sugatan naman ang 4 na kasamahan nito matapos paulanan ng bala ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay Sapa Bulak, Sumisip, probinsiya ng Basilan Biyernes ng gabi.
Kinilala ng mga awtoridad ang nasawing biktima bilang si Mutilah Como Ajanab, isang 20-anyos na Imam habang ang napaulat na nasugatan ay kinilalang sina Rashid Hajibain Suraman,48; Abdulmalik Suraman Jumlatal,34; Harisa Hajibain Hadjil,15; at Hafidz Suraman Jumlatal na pawang mga kamag-anak lamang sa parehong lungsod.
Ayon sa imbestigasyon, habang nagpapahangin sa labas ng mosque ang mga biktima pagkatapos ng kanilang Ramadan Traditional Tarawi Prayer ay biglang dumaan ang mga armadong grupo at walang habas na pinagbabaril ang mga biktima.
Mabilis na dinala sa ospital ng mga romespondeng kasamahan ang mga biktima ngunit sa kasamaang palad ay binawian ng buhay ang 20-anyos na Imam habang ginagamot sa Infante Hospital sa nasabing probinsiya.
Patuloy na iniimbestigahan ng Sumisip Police Station ang posibleng motibo sa krimen at inaalam ang pagkakakilanlan ng mga salarin. Guen Delos Santos/Kilo India
