Kinumpirma ng Department of Education na walang itong “official records” ng pagbabayad na ginawa sa illustrators ng kontrobersyal na libro ni Vice President Sara Duterte na “Isang Kaibigan”.
Sa budget briefing ng DepEd sa House Committee on Appropriations, sinabi ni Secretary Sonny Angara na job order employees mula sa Public Affairs Service ang dalawang illustrators ng libro at maaaring ginawa nila ito nang libre o nagpabayad sa labas ng ahensya.
Nilinaw din ni Undersecretary for Curriculum and Teaching Gina Gonong na walang “public funds” na ginamit para sa produksyon o quality assurance ng “Isang Kaibigan”.
Wala umanong naging papel ang DepEd sa development, printing at reproduction ng libro at nalaman lamang nila na ito ang babasahin ni Vice President Sara Duterte sa programang “Araw ng Pagbasa” sa isang public elementary school.
Paliwanag ni Gonong, taun-taon nilang idinaraos ang reading sessions kung saan nag-iimbita ang DepEd ng reading ambassadors at hinahayaan nila ang mga ito na mamili ng storybook na babasahin basta’t angkop sa kakayahan at pang-unawa ng mga bata.
Bagama’t may preparasyon ang DepEd sa mismong aktibidad, hindi aniya kasama ang ahensya sa distribusyon at ang mga kopya ng libro ay nakalaan lamang para sa mga mag-aaral.