Ilang tricycle drivers sa Guinobatan, Albay, may hinaing ukol sa isyu ng gasoline subsidy; Mayor Garcia, wala umanong ideya

LEGAZPI CITY – Nagpahayag ng hinaing ang ilang mga tricycle drivers sa Guinobatan, Albay ukol sa umano’y isyu sa gasoline subsidy sa nasabing bayan.

Sa ipinadalang liham ng mga drivers sa himpilan ng Brigada News FM Legazpi, sinabi nila na PHP6,500 umano ang budget para sa subsidy ng bawat driver, subalit PHP1,000 lamang ang nakakaabot sa kanila.

Tanong nila ay kung nasaan at sino ang nakikinabang sa natitirang PHP5,500.

Anila, napakalaking halaga noon kung pagsasama-samahin dahil nasa mahigit 1,700 umano silang mga drivers sa nasabing bayan.

Read More:  2 former NPA members surrender in Eastern Samar, Negros

Sa kaparehong liham, kanilang hinihiling na ang kanilang tanong ay  masagot nina Cong. Joey Salceda, Mayor Paul Chino Garcia at kagawad Pintor na Chairman on Transportation.

Sa panayam naman kay Mayor Garcia, sinabi niya na maging siya ay nagtataka rin kung saan nanggagaling ang budget na iyon sa subsidy.

Ayon sa kanya, mayroon talagang inaasahang gasoline subsidy subalit ang nalalaman niya ay hindi pa ito nangyayari.

Read More:  Radio commentator killed in BARMM shooting

Wala umano siyang ideya na mayroong inaasahan ang mga drivers na mahigit PHP6,000, ngunit dahil nababahala rin siya sapagkat walang dumarating na subsidy, nakiusap na lamang siya sa opisina ni Salceda  na magbigay na lamang ng educational assistance, ngunit hindi naman lahat ay nabigyan.

Subalit kung tungkol aniya sa umano’y isyu sa gasoline subsidy ay wala siyang maisasagot kung saan nanggagaling ang pondo nito.

Samantala, nangako naman ang alkalde na bukas ang kanyang tanggapan upang pag-usapan at makinig sa mga tricyle drivers tungkol sa kanilang hinaing.