Kinondena ng ilang opisyal ng gobyerno ang pagsabog sa Mindanao State University sa Marawi City.
Para kay Vice President Sara Duterte, malinaw nagawain ito ng mga duwag at nanawagan din ang bise presidente na maging mahinahon habang iniimbestigahan ang insidente.
Tiniyak naman ni Presidential Peace Adviser on Peace Reconciliation and Unity Sec. Carlito G. Galvez Jr. na nakikipag-ugnayan sila sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) para makapag-abot ng tulong sa mga biktima ng pagsabog at kanilang mga pamilya.
Nanawagan din siya ng pagkakaisa para hindi na maulit ang ganitong insidente.
Giit naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri dapat mabusisi ang lahat para mabigyan ng hustisya ang mga pamilya ng nasawi at maibalik ang kapayapaang pinaghirapan makamit ng Marawi sa loob ng nakalipas na anim na taon.
Tiniyak din House Speaker Martin Romualdez na nakikipag-ugnayan na ang Kamara sa mga ahensya ng gobyerno para sa maagap at komprehensibong tulong sa Marawi.
Nangako siyang magbibigay ng mabilis at pangmatagalang ayuda sa mga apektadong komunidad.
Handa rin ang Kamara na magpasa ng mga batas na makakatulong sa pagbangon ng Marawi.
Tiniyak naman ng Bangsamoro Government ang suporta at pakikitulungan sa imbestigasyon para mapanagot ang may mga sala.
Nanawagan din ito sa publiko na maging mapagmatyag at agad na ipaalam sa mga otoridad ang mga kahinahinalang tao o pangyayari sa kanilang lugar.
