Hinamon ni Zambales Representative Jefferson Khonghun si Vice President Sara Duterte na kumasa sa lie detector test kasama si dating Education Undersecretary Gloria Jumamil Mercado.
Kaugnay ito ng ibinunyag ni Mercado na nakatanggap umano siya ng mga envelope na naglalaman ng 50,000 pesos bawat isa at sinasabing nanggaling kay Duterte.
Ayon kay Khonghun, kung talagang nagsasabi ng totoo si VP Sara ay sumalang siya sa lie detector test kasama si Mercado upang magkaalaman na kung sino ang hindi nagsisinungaling.
Sa pamamagitan aniya nito ay hindi na kailangang itanggi ang mga alegasyon o manira sa press conference.
Punto ng kongresista, nakasalalay dito ang pondo ng mamamayan kaya mahalaga na malaman kung sino sa kanilang dalawa ang nagsasabi ng totoo at mapatunayan ang katapatan at integridad.
Dagdag pa ni Khonghun, si Mercado at nanumpa sa komite bago sumagot sa mga tanong samantalang ang pangalawang pangulo ay tumanggi kaya panahon na para humarap umano ito at linisin ang pangalan sa tulong ng lie detector test.