Umapela kay Pangulong Bongbong Marcos ang ilang grupo na kanselahin na sa lalong madaling panahon ang lisensya ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO sa Pilipinas.
Sa tatlong-pahinang open letter para kay Pangulong Marcos, binigyang-diin ng iSambayan, EveryWoman, Women2022, at Intercessors of the Philippines ang ilang punto kung bakit kailangan nang i-ban ang POGO sa bansa.
Kabilang dito ang panawagan kamakailan ng Chinese Embassy sa gobyerno ng Pilipinas na ipagbawal ang mga ito.
Una nang sinabi ng China na illegal sa kanilang bansa ang anumang uri ng pagsusugal, kabilang ang online gambling at ang pagsusugal ng kanilang mamamayan sa ibang bansa.
Dagdag pa ng 1Sambayan at tatlo pang kaalyadong grupo, ang pagbibigay ng lisensya sa mga Chinese POGO ay maituturing na paglabag sa Internet Gaming Regulations ng Philippine Amusement and Gaming Corp. o PAGCOR.
Dahil din umano sa kontrobersiya at krimen na kinasasangkutan ng POGO, wala na itong legal, moral, economic o social justification para payagan pa ang pag operate nito sa Pilipinas.
Nanawagan din ang mga naturang grupo sa sambayanang Pilipino na samahan silang manawagan sa Pangulo.
Samantala kabilang sa mga kilalang signatories ng open-letter ay sina retired Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio, dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales, dating Sen. Leila de Lima at iba pa.