Ikinunsidera ng Inter Agency Task Force ang mental health ng mga bata sa kanilang desisyong payagan na ang mga limang taong gulang pataas na lumabas ng bahay sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) at modified GCQ na walang heightened restrictions.
Ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez, matagal nang iniaapela ng mga magulang na makalabas ang mga bata dahil naaapektuhan na ang psychological condition ng mga bata.
Hindi naman umano inaasahan ng kalihim na malaki ang magiging epekto sa ekonomiya ng naturang hakbang dahil sa outdoor spaces lang naman papayagan ang mga batang 5 taong gulang pataas.
Mababatid na sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na pwedeng pumunta ang mga batang ito sa park, playground, outdoor tourism areas, at biking, at hiking trails basta’t may kasama silang adult.
Pinayagan na rin ang mga bata ng gobyerno na sumali sa mga non-contact sports.
Pero, di pa rin tatanggap ang mga malls ng mas mababa pa sa 15 taong gulang ang edad.