SORSOGON CITY – Naniniwala si City Councilor Erwin Duana, chairman ng Committee on Agriculture na mahalaga ang humanitarian consideration para sa mga mangingisda sa syudad.
Pahayag ito ng opisyal sa Brigada News sa harap ng mahigpit na implementasyon ng mga ordinansa kaugnay sa iligal na pangingisda na nagreresulta sa madalas na pagkakahuli sa ilan sa mga ito.
Ayon dito, dapat umanong maunawaan ng lahat na kakarampot lang naman ang kinikita ng nasabing mga mangingisda at kung minsan ay wala, lalo na kapag mayroong sama ng panahon kung kaya marapat lamang na bigyan ang mga ito ng makataong pagsasaalang-alang.

Ayon pa dito, upang mapakinabangan ang mga shellfish na “badoy” nais nito na maadjust ang pinapayagang distansya ng mga bosero sa mga tahongan.
Paliwanag ng opisyal kung susundin kasi umano ang 100 metrong distansya na batay sa City Ordinance ay masyado na umano itong malayo.
Aniya, bago pa man umano ang mga tahongan ay mayroon nang mga badoy malapit sa mga ito kung kaya dapat lamang na payagan ang mga boserong maharvest nila ang mga ito sa kondisyon na hindi sila papasok sa nasabing mga tahongan.
Matatandaan na maraming mga bosero ang nagrereklamo dahil pinagbabawalan silang magharvest ng mga badoy malapit sa mga tahongan na kahit papaano ay malaking tulong umano sa kanilang pang-araw araw na pangangailangan.