Huling COVID-19 outbreak, posibleng mas bumilis ang pagkalat ayon sa China

Nangangamba ang China na posibleng bumilis pa ang pagkalat ng pinakahuling COVID-19 outbreak na nararanasan nito.

Dahil diyan ay inalerto ng Chinese government ang lahat ng mga otoridad na paigtingin ang monitoring nito at bawasan ang byahe sa lahat ng mga probinsya.

Ipinunto ni Mi Feng, spokesman sa National Health Commission, na dahil sa “seasonal factors” ay may posibilidad na lumala ang outbreak.

Mababatid na nagawa ng China na makontrol ang malaking bahagi ng virus outbreak.

Gayunman, mas diterminado ngayon ang China na pigilan ang pagusbong ng anumang local outbreaks lalo na’t papalapit na ang pagdaraos ng 2022 Winter Olympics sa Pebrero.

Matatandaan noong nakaraang linggo ay nagawa ng China na makumpirma ang 100 locally transmitted cases sa 11 provincial areas, kung saan ay karamihan nito ay konektado sa 13 magkaibang tour groups.