Nilinaw ni Senador Bong Revilla Jr. na batid niyang wala namang may kagustuhan sa nangyaring paglubog ng tanker ng barkong MT Terra Nova sa Limay, Bataan.
Ngunit sa kabila nito, ipinunto niyang dapat pa ring may mapanagot dito upang hindi na ito maulit pa sa hinaharap.
Ito ay matapos magdulot ng malawakang pinsala ang pagtagas ng langis nito hindi lang sa kalikasan pero maging sa mga kababayan ng senador sa Cavite at iba pang lugar.
Kasunod nito, idiniin niyang dapat lang pagbayarin ang nasabing may-ari ng barko sa dinalang environmental damages ng pagtagas at maging sa nawalang kita ng mga mangingisda dahil sa fishing ban.
Dagdag pa niya, dapat lang din pangunahan ng mga ito ang paglilinis sa mga kumalat na langis sa karagatan.
Matatandaan, naghain na kamakailan si Senate Majority Leader Francis Tolentino ng resolusyong naglalayong paimbestigahan ang naturang pangyayari.