BNFM BICOL— Inihayag ni First Catanduanes Electric Cooperative (FICELCO) General Manager Raul Zafe na ang hindi pa upgraded na tie-line ang nakikitang sanhi ng kanilang kooperatiba kaugnay ng halos araw-araw na power interruption sa islang lalawigan ng Catanduanes.
Sa isang panayam sinabi ng opisyal, na taong 1980’s pa nang maitatag ang tie line at hanggang sa ngayon, ay hindi pa rin ito nababago at naka disenyo lamang upang mapunan ang daloy ng kuryente sa Balongbong at hydroplants ng SUWECO.
Ayon kay Zafe, aminado ang kanilang kooperatiba na hindi nila napagtuunan ng pansin ang pagbabago sa tie-line sapagkat mas binigyan nila ng prayoridad ang upgrading ng mga linya, matapos ang mga itong masira nang manalasa ng Super Typhoon Rolly nitong nakaraang taon.
Bukod dito, aabutin rin umano ng P2.8-Million ang halagang kakailanganin sa pag upgrade ng tie-line na ayon sa opisyal ay posibleng paghatian na lamang ng FICELCO at SUWECO.
Sa ngayon ay wala pang itinakdang schedule kung kailan ito aayusin ngunit ayon kay Zafe, tinatayang aabutin ng dalawang linggo ang pagkukumpuni nito kaya’t gagawa rin umano sila ng paraan upang maiwasan ang brown out habang inaayos ang tie line.###