SORSOGON CITY – ‘’Hindi kami namimili ng dinadakip at tinitiketan,.’’
Pahayag ito sa Brigada News FM ng provincial chief ng Land Transportation Office (LTO)-Sorsogon na si Grace Rojas.
Una rito, umapela ang ilang mga motorista na maging patas ang ahensya sa kanilang ginagawang paninita at pag-iisyu ng tiket.
Paliwanag ng opisyal, kung sakaling nasita nila ang isang motorista at ang isa ay hindi, ito’y dahil hindi naman nila maaaring gawin ang panghuhuli nang sabay sabay.
Aniya pa, bagama’t maituturing na suwerte ng motorista kapag hindi ito natiyempuhan subalit hindi naman umano ibig sabihin nito na mayroon na silang pinipili o pinapaboran.
Pagtitiyak ng opisyal, lahat ng mga mayroong bayolasyon tulad ng wala o pasong driver’s license, expired o hindi na rehistradong behikulo ay bawal kung kaya paalala nito sa mga motorista na sumunod at maging compliant dahil darating at darating umano ang panahon na kanilang matitiyempuhan at madadakip ang mga ito.
