Hindi bababa sa 29 katao, napatay sa paghuli sa anak ni El Chapo sa Mexico

Labinsiyam na hinihinalang gang members at 10 mga tauhan ng militar ang napatay matapos ang pag-aresto sa Mexican drug cartel boss na si Ovidio Guzman.

Ang pagkakahuli kay Guzman noong araw ng Huwebes ay nag-udyok ng kaguluhan sa pagitan ng mga gang members at hanay ng pulisya.

Si Guzman ay kinuha ng helicopter mula sa bahay kung saan siya nahuli at inilipad sa Mexico City, bago dinala sa isang maximum security federal prison.

Ang pag-aresto ay nag-udyok sa makapangyarihang Sinaloa Cartel na magsunog ng mga sasakyan, harangin ang mga kalsada at lumaban sa mga awtoridad sa paligid ng Culiacan, ang kabisera ng Sinaloa sa Mexico.

Sinabi ni President Andres Manuel Lopez Obrador na walang agarang plano na i-extradite si Ovidio sa Estados Unidos kung saan ang kanyang ama ay nasa maximum security prison matapos ma-extradite noong 2017 at napatunayang nagkasala sa korte sa New York.//CA