Inaasahang sisimulan na rin ng Department of Agriculture Region 2 ang pamamahagi ng sentinel pigs para sa second release ng repopulation sa mga hog raisers na naapektuhan ng African Swine Fever (ASF) sa lambak ng Cagayan ngayong buwan ng Oktubre.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay DA Region 2 Regional Director Narciso Edillo, sinabi niya na ang mga recipient dito ay ang mga hog raiser na naisailalim sa culling ang kanilang mga alagang baboy ng DA.
Ayon kay RD Edillo, naibaba na ang karagdagang 75 million pesos na pondo sa rehiyon at hinihinatay na lamang ang certificate mula sa supplier na nagsasabing ASF free ang mga kukuning stock.
Aniya, isasailalim pa ang mga mabibiling biik sa sampling kung saan kukunan ng dugo at dadalhin sa Integrated laboratory ng DA upang matiyak na wala itong virus kahit certified na sa origin.
Umaasa itong ngayong buwan ng Oktubre ay mai-distribute na ang tinatayang 5, 600 heads kasama na rito ang 1, 600 na piraso ng sentinel pigs sa mga backyard hog raisers na naapektuhan ng ASF.
Aniya, nauna nang natapos ang distribusyon ng testing pigs sa mga scared hog raisers sa iba’t-ibang lokalidad sa rehiyon na umabot sa 336 heads.
Sa mga ipinamahaging sentinel pigs ay wala naman aniyang nagpositibo sa ASF at kasalukuyan na ang pamamahagi ng karagdagang tatlong piraso ng baboy kasama na ang feeds at vitamins sa bawat recipients.
Ito aniya ay mula sa unang pondo na 21 million pesos na inilaan sa mga scared hog raisers.
Mayroon na rin aniyang mga farmer ang bumili ng kanilang aalagaang baboy nang makitang wala nang naitalang ASF sa kanilang lugar.
Nananawagan naman si RD Edillo sa mga lokal na pamahalaan na kung maari ay maglaan din ng pondo para sa repopulation dahil aminado itong kulang ang pondo ng DA.
Sa pamamagitan umano ito ay muling manunumbalik na ang sigla ng hog industry sa rehiyon.
Image: Google