CAMARINES NORTE – Lalo pang bumilis ang inflation o pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa Camarines Norte noong Setyembre na pumalo sa antas na 8. 5 %.
Ito na ang ikalawang magkasunod na buwan na tumaas ang inflation makaraang bumaba noong Hulyo.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) mas mataas ito sa 6.8 % noong Agosto at sa 6.0 % sa kaparehong panahon noong 2022.
Ito na rin ang naitalang pinakamabilis na pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa lalawigan sa loob ng limang taon.
Kapag mataas ang inflation nangangahulugan ito na lalong lumiliit ang halaga ng pera at kakailanganing gumastos ng mas malaki ng mga consumer para sa mga produkto at serbisyo na kanilang binibili.
Sa Camarines Norte din naitala ang pinakamabilis na pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa buong Bicol Region noong Setyembre.
Ang dahilan ng mataas na inflation sa lalawigan ay ang mahal na Restaurants and accommodation services.
Nag ambag din sa mataas na inflation ang mataas na presyo ng pagkain at non- alcoholic beverages, alcoholic beverages and tobacco at kapansin- pansin ang mahal na health services.
Umabot naman sa antas na 5. 6 % ang inflation rate sa buong Bicol na mas mataas sa 4. 4 % lang noong Agosto. Ang Albay ang ikalawa sa Camarines Norte na nakapagtala ng pinakamabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa antas na 6. 3 % habang ang Masbate naman ang nakapagtala ng pinakamababang inflation sa antas na 4. 3 %.
