Hiniling ni Senator Richard Gordon ang paghahain ng hold departure order laban kay dating Budget Undersecretary Christopher Lloyd Lao matapos mapaulat na sinubukan nitong umalis ng bansa sa gitna ng imbestigasyon ng Senado kaugnay sa overpriced COVID-19 equipment.
Sinabi ni Gordon na nalaman niya ito mula kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, kung saan ay sinabi nito na nakakuha na umano si Lao ng visa, at paalis na sana ito ng bansa.
Ayon kay Gordon, madaling araw pa lang kahapon ay nagpadala na siya ng mensahe kay Senate President Vicente Sotto III para sa kaniyang request na hold departure order.
Nagbabala ang senador na mababalewala ang lahat ng imbestigasyon ng Senado kung makakatakas si Lao mula sa bansa.

Ipinunto naman ni Gordon na pumayag na si Sotto sa kaniyang suhestyon.
Inihayag rin ni Gordon na sa katunayan ay gusto pang dalhin ni Senator Panfilo Lacson si Lao sa Senado.
Mababatid na si Lao ang head ng Department of Budget and Management Procurement Service’s nang makipagtransaksyon ang gobyerno sa Pharmally, na isang maliit na kompanya na may paid-up capital na aabot lamang sa P625,000, ngunit nakapag-secure ng bilyon-bilyong halaga ng kontrata.